CPA-TTU
STATEMENT ON 9/11 ANNIVERSARY
TAHASANG
PANLILINLANG SA NGALAN NG HINDI MAKATARUNGANG DIGMAAN
TERORISTANG ATAKE (ANG DAHILAN)
Ika-11 ng Setyembre, 2001 (9/11) nang sumalpok ang 2 eroplano sa World
Trade Center sa Estados Unidos. Dalawa pang eroplano ang magkahiwalay
na bumagsak sa Pentagon at Pennsylvania. Inilunsad daw ng teroristang
organisasyon ang mga pag-atakeng ito na may kaugnayan diumano sa Al-Qaeda,
sa pamumuno ni Osama bin Laden.
Marami ang nagsasabing batid ng pamahalaan ng Estados Unidos (US) ang
gagawing pag-atake dahil ito ay nakalahad na sa intelligence report ng
US noon pa mang 1995 na may taguring “Project Bojinka”. Inalarma
rin ang mga security agencies sa US sa plano ng Al-Qaeda 7-8 linggo bago
ang ika-11 ng Setyembre. Subalit walang ginawang preparasyon sa mga natanggap
na reports ang gubyerno ni George W. Bush (Bush) at maging sa aktwal na
pag-atake ay hindi nagsagawa ng aksyon ang US Air Force para pigilan o
bawasan ang destruksyong dulot nito. Ni hindi rin kinakitaan ng pagkilos
ang US Joint Chief of Staff, Secretary of Defense at si Bush habang nagaganap
ang atake ayon sa emergency protocols.
Maliban sa mga nabanggit, marami pang kaduda-dudang katanungan ang namayani
at matapos ang 3 taon, hindi pa rin mabuo ang totoong kaganapan sa likod
ng 9/11.
GYERA LABAN SA TERORISMO (ANG GANTI)
Ginawang madulas na sangkalan ng gubyernong Bush ang 9/11 upang isulong
ang imperyalistang pandarambong at pakikidigma. Pinuhunan nito ang banta
ng terorismo sa Estados Unidos at sa lahat ng mga demokratikong bansa
upang ilunsad ang hindi makatarungang digmaan sa Afghanistan na sinundan
pa ng digmaan sa Iraq.
Ika-7 ng Oktubre, 2001 nagsimula ang walang habas na pambobomba ng pwersang
Amerikano sa Afghanistan upang hulihin at papanagutin si Osama bin Laden.
Ika-20 ng Marso, 2002 binomba ng US ang Iraq dahil kinakanlong daw nito
ang Al-Qaeda at si Osama bin Laden at dahil sa pagkakaroon nito ng Weapons
of Mass Destruction (WMD). Habang nag-aastang tagapagtanggol ng buong
mundo ay walang habas na inatake ng US at ‘Coalition of the Willing’
ang Iraq. Pagkatapos ng mahigit dalawang taon nagpapatuloy pa rin ang
digmaan sa Iraq, hindi pa rin nahuhuli si Bin Laden at wala ring nakumpiskang
WMD.
AGENDA NG US (ANG PANLILINLANG)
Ang ruta ng langis mula Central Asia-Afghanistan-Pakistan-Arabian Sea
ang gustong siguruhin ng Estados Unidos upang makontrol at maibyahe ang
mayamang langis ng Central Asia (lalo na mula sa Azerbaijan, Uzbekistan,
Turkmenistan at Kazakhstan). Kinailangang sakupin ng US ang Afghanistan
upang maipagawa nito ang pinakamurang daluyan ng langis mula Central Asia
at makapagkamal ng mas malaking tubo.
Samantala, matatagpuan sa Iraq ang ikalawang pinakamalaking reserba ng
langis sa buong mundo na umaabot sa 112.5 bilyong bariles o halos 10%
ng tinatayang deposito ng langis sa buong mundo. Bukod dito, higit na
mababa ang gastos sa produksyon ng pagmimina ng langis dito at napakaestratehiko
ng lokasyon batay sa ruta ng daluyan dahil napapalibutan ito ng mga bansang
may produksyon din ng langis.
Nais ding kumita ng US ang kanyang Military Industrial Complex na matatamo
lamang kapag nagkaroon ng signipikanteng pangangailangan ang mga bansa
ng mga armas pandigma. Mangyayari lamang ito sa panahon ng digmaan at
sa malaking banta sa seguridad na idinulot ng hysteria ng terorismo.
Ang kontrol sa industriya ng langis at bentahan ng armas ang mga huling
barahang tinukoy ng US na magsasalba dito mula sa matinding pang-ekonomikong
krisis na kinasasadlakan nito. Higit sa lahat, gustong patunayan ng US
ang kaniyang nagpapatuloy na dominasyon sa buong daigdig matapos ang kahihiyang
tinamo nito ng 9/11.
MAMAMAYAN NG BUONG DAIGDIG (ANG MGA BIKTIMA)
Hindi nangingilala ang mga digmang agresyon ng US sa buong latag ng kasaysayan.
Mula ng inilunsad ang digmaan sa Iraq, tinatayang umabot na sa may 10,000
Iraqi sibilyan ang namatay ayon sa Iraq Body Count. Samantalang nasa 15,000
na ang nabilang ng Project on Defence Alternatives noong nakaraang taon,
mahigit 4,000 dito ay mga sibilyan. Samantla, tinatayang lampas na sa
2,000 Amerikanong sundalo ang namatay at 12,000 Amerikanong sundalo ang
nasugatan at nagkasakit. Higit pang tumataas ang bilang na ito habang
nagpapatuloy ang mga labanan sa loob ng Iraq.
Nitong huli ay naisiwalat din ang tortyur at pananamantala ng mga pwersang
Amerikano sa mga bilanggo ng Abu Ghraib. Nagbukas ito sa matinding kalagayan
ng mga sibilyang pinagbintangang kalaban ng koalisyon. Gayundin, maraming
kaso ng pagsasamantala sa mga kababaihan at kabataan ang naitala sa loob
ng Iraq.
Pagkitil ng maraming buhay, pagwasak sa kabuhayan at kawalan ng kinabukasan
ang idinulot ng mga digmaan sa Afghanistan at Iraq. Kahalintulad ang mga
ito sa mga naganap na pakikidigma ng US sa Vietnam (1945-1973), Yugoslavia
(1995-1999) at iba pang mga bansa na naging target ng digmang agresyon
ng imperyalistang Estados Unidos.
PILIPINAS (ANG PANGALAWANG LUNSARAN)
Pinangunahan ni Gloria Macapagal-Arroyo (GMA) ang pagsuporta sa digmaan
sa Iraq. Sukdulan nitong nilapastangan ang soberanya ng Pilipinas upang
sumunod sa dikta ng imperyalismong US. Bunga nito ay kinaladkad ni GMA
ang bansa at isinuong sa panganib ang buhay ng mamamayang Pilipino.
Bilang tanda ng suporta ni GMA sa US ay madaliang ipinaapruba nito ang
Mutual Logistics Support Arrangement bilang susog sa Visiting Forces Agreement.
Ginawa ng mga polisiyang ito na ‘transit point’ o daluyan
ng mga pwersang militar ng US ang Pilipinas na naglagay sa bansa bilang
‘open target’ ng mga ganting atake laban sa US.
Pinasidhi rin ni GMA ang kanyang sariling bersyon ng giyera laban sa
terorismo. Sunod-sunod na Balikatan exercises ang naganap upang masugpo
umano ang ‘terorismo sa bansa’. Subalit ang naganap na pambobomba
sa Davao noong nakaraang taon ay nag-iwan ng malaking katanungan sa partisipasyon
ng gubyerno sa mga gawa-gawang teroristang atake. Ipinakita nito ang desperasyon
ni GMA kasabwat ang US na bigyang dahilan ang kampanya laban sa terorismo
sa loob ng bansa at ang mga kaakibat nitong paglabag sa karapatang pantao.
Ibinunga ng kampanyang ito ang hindi mapatid na kaguluhan sa Mindanao,
dislokasyon ng ilang daang pamilya, pagkitil ng maraming buhay at iba
pang porma ng mga paglabag sa karapatang pantao. Ngunit maging ang mga
mamamayang Moro ay nagpatunay na ginagamit lamang ang giyera laban sa
terorismo upang makapasok at makontrol ng mga pwersa ng US ang Liguasan
Marsh sa Mindanao na mayaman sa reserbang langis.
Gayundin, itinulak ng pagsuporta ni GMA sa digmaan ng US ang naganap
na banta sa buhay ni Angelo de la Cruz at pagkabihag at pagkamatay ng
ilan pang Overseas Filipino Workers. Ibinunga rin nito ang papatinding
krisis sa langis at ang sunod-sunod na pagtaas sa presyo ng produktong
petrolyo kaalinsabay ng pananamantala ng kartel ng langis sa bansa. Higit
sa lahat, nagsilbi itong konteksto sa nagpapatuloy na mga paglabag sa
karapatang pantao ng gubyernong Arroyo maging sa hanay ng mga legal at
lehitimong mga lider at organisasyon. Maging ang Anti-Terrorism Bill na
hinalaw mula sa US Patriot Act ay banta sa higit pang pang-aabuso ng mga
pwersa ng pamahalaan laban sa mga mamamayan.
Sa Kordilyera, walang humpay na militarisasyon ang naghahasik ng takot
sa mga katutubo at mga mamamayan. Noong nakaraang taon hanggang sa kasalukuyan
dumagsa ang mga kaso ng mga paglabag sa karapatang pantao katulad ng walang
awang pagpatay kina Efren Agsayang (Mankayan), Etfew Chadya-as (Mountain
Province), Victor Balais (Kalinga), Talog Bangoey (Abra) at pagkasugat
ni Pilnan Dumel-ac (Abra). Ang mga biktimang ito ay mga magsasaka at mangangaso
na pinagbintangan ng AFP na mga kasapi at tagasuporta ng NPA kahit walang
ebidensya. Hanggang sa kasalukuyan, hindi pa rin nagkakaroon ng hustisya
ang pagkamatay nila at nagpapatuloy din ang banta at harassment ng mga
militar sa mga mamamayan ng rehiyon.
PAGTUTOL SA DIGMANG AGRESYON NG US (ANG NAGKAKAISANG HATOL)
May 30 Milyong mamamayan sa buong daigdig ang nakilahok sa mga kilos-protesta
bago pa man nagsimula ang digmaan sa Iraq. Umalingawngaw sa buong mundo
ang mga pagtutol sa ilegal, imoral, hindi makatarungan at hindi makataong
pananalakay ng Estados Unidos sa Afghanistan at Iraq. Nanguna ang Pilipinas
sa mga kilos-protestang ito habang nanawagan ang malaking bahagi ng lipunan
laban sa interbensyon ng US sa Pilipinas at sa kagyat na pagtigil ng digmaan
sa Mindanao at mga paglabag sa karapatang pantao ng pamahalaang Arroyo.
Tatlong taon, matapos ang 9/11 higit na nananatiling signipikante ang
paglaban para sa pandaigdigang kapayapaang nakabatay sa katarungan. Kung
kaya’t habang ginugunita natin ang naganap na pag-atake sa World
Trade Center ay pasidhiin pa natin ang panawagan para sa hustisya—sa
lahat ng inosenteng biktima ng digmang agresyon ng Estados Unidos. Patuloy
nating isiwalat ang panlilinlang ng gubyernong Bush sa mga mamamayan ng
buong daigdig makapaglunsad lamang ito ng mga makaisang-panig na pananalakay
at pananakop.
IPAGPATULOY ANG PAKIKIBAKA
LABAN SA SABWATAN NG IMPERYALISMONG US AT GUBYERNONG ARROYO!
MANINDIGAN LABAN SA
GYERANG AGRESYON NG US!
MANINDIGAN PARA SA
KABUHAYAN, KATARUNGAN AT PANGMATAGALANG KAPAYAPAAN!
Lumahok sa martsa-rali sa ika-11 ng Setyembre, 2004, sa ganap na 8:30
ng umaga sa Post Office Park. Susundan ito ng isang programa sa Igorot
Park bilang paggunita sa pag-atake sa World Trade Center at sa lahat ng
mga biktima ng digmang agresyon ng Estados Unidos.
TONGTONGAN TI UMILI-CORDILLERA
PEOPLES ALLIANCE
IKA-11 NG SETYEMBRE,
2004 |